Manila, Philippines – Pinag-iingat ng Commission on Human Rights (CHR) ang otoridad sa paglalabas ng listahan ng mga pulitiko na sangkot sa illegal drugs.
Ayon kay CHR Spokesperson, Atty. Jacqueline De Guia, bagamat batid nila na makakatulong ang paglalabas ng narcolist para maiboto ang mga karapat-dapat na kandidato sa darating na midterm elections, ipinaalala ng ahensya na may tinatawag na “presumption of innocence” na ginagarantiyahan ng saligang batas.
Aniya, kung kumpiyansa ang gobyerno na may sapat na batayan para idawit sa illlegal drugs ang ilang pulitiko, mas makabubuti kung direkta na lamang silang sampahan ng kaso sa korte.
Idinagdag ni De Guia na ayaw na nilang makadagdag ang paglalabas ng narcolist sa paglubha ng karahasan na talamak sa panahon ng eleksyon.
Una nang inanunsyo ni Interior Secretary Eduardo Año na mailalabas ang narcolist bago ang local election campaign period sa March 30.