Manila, Philippines – Nakukulangan ang Commission on Human Rights o CHR sa mga probisyon na lalamanin ng Republic Act 9344 o Juvenile Justice Welfare Act.
Ayon kay CHR spokesperson Jacqueline de Guia, maraming kakulangan ang Juvenile Justice Welfare Act na dapat pagtuunan ng pansin.
Pangunahin aniya rito ay ang paglaan ng sapat na pondo para sa pagtatayo ng mga Bahay Pag-Asa facilities.
Sinabi ni de Guia na dapat tiyakin ng gobyerno na may nakalatag na rehabilitasyon at sapat na intervention sa mga batang nasa edad na siyam na mayroong kriminal na pananagutan.
Dapat aniya na mailinaw ang pagdagdag ng mga propesyonal na tutulong sa rehabilitasyon ng mga batang nagkasala sa batas.
Idinagdag ng CHR spokesperson na ang mga bata ay dumadaan pa lamang sa pinakamahalagang parte ng kanilang mga buhay at kailangan ang pagkalinga at tamang paggabay.
Para aniya sa mga nagkakasala sa batas, responsibilidad ng gobyerno na sila ay tulungan makabalik sa tamang landas sa halip na magpatupad ng panukalang magpapahamak at maglilihis sa kanila sa landas ng buhay.