Nagpalabas din ng mensahe ang Commission on Human Rights (CHR) kasabay ng paggunita ng ika-48 na anibersaryo ng deklarasyon ng martial law sa bansa.
Sa isang pahayag, nangako si CHR Spokesperson, Atty. Jacqueline Ann de Guia na maninindigan ang institusyon laban sa paninikil ng mga karapatan at kalayaan.
Ito’y sa sandaling may anumang pagtatangkang ibalik ang bansa sa madilim na bahagi ng kasaysayan.
Aniya, ngayong nasasadlak ang bansa at buong mundo sa isang pangkalusugang krisis, mahalagang magbantay para sa pagpapahalaga sa dignidad ng lahat.
Hindi aniya nakukuha sa dahas ang paglutas sa problema ng bansa lalo na sa paghahanap ng solusyon at kapayapaan.
Hindi rin aniya magagamot ng pagmamalupit ang mga mamamayan na naghihirap dahil sa pandemya.