*Cauayan City, Isabela-* Masayang ipinagdiwang ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL) ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Cauayan City ang kanilang Year-End Christmas Party noong Disyembre 27, 2018.
Sa naging panayam ng RMN Cauayan kay Atty. Romeo Villante Jr, ang Jail Chief Inspector ng BJMP Cauayan City, mahigit dalawang daan na bilanggo ang nakisaya sa kanilang Christmas Party kasama ang kanilang mga pamilya.
Doble aniya ang kasiyahan ng mga bilanggo dahil bukod sa kanilang isinagawang parlor games at raffle draw ay nakasama rin nila ang kanilang mga dumalaw na pamilya sa pagdiriwang ng kanilang Christmas party.
Dumalaw din aniya ang mga naunang nakalaya sa naturang bilangguan at nagbigay pa ng mga biyaya sa mga bilanggo.
Ikinatuwa naman ito ng hepe na kahit nakalaya na ang ilang mga bilanggo ay nagawa pa ring bumisita at magbigay ng konting tulong.
Samantala, bukas lamang aniya ang kanilang himpilan para sa mga nais magbigay o magbahagi ng pagkain lalo na sa mga may-kaya o may sobra sa mga ihahanda ngayong pagsalubong sa bagong taon para sa mga PDL’s na hindi dinadalaw ng mga kaanak upang hindi aniya masayang ang mga natirang pagkain.