CHRISTMAS RUSH | Mas pinahabang operasyon ng LRT at MRT, hiniling

Manila, Philippines – Hiniling ni Senator Nancy Binay sa Department of Transportation (DOTr) at sa Metro Manila Development Authority (MMDA) na pahabain ang oras ng operasyon ng MRT at LRT.

Ayon kay Senator Binay, ito ay para matugunan ang dami ng mga namimili ngayong kapaskuhan lalo at pinahaba din ang oras ng mga malls.

Paliwanag ni Senator Binay, ang mas mahabang operating hours ng MRT at LRT ay makakatulong na maibsan ang traffic sa mga major roads at magkaroon ng karagdagang opsyon ang mga commuter at mamimili na nag-uunahan sa limitadong bilang ng bus at jeep.


Bukod dito ay pinapadagdagan din ni Senator Binay sa MMDA at mga Local Government Units (LGUs) ang mga enforcer upang maiayos ang trapiko lalo na sa paligid ng mga malls.

Iminungkahi din ni Senator Binay sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magbigay ng dagdag na special point-to-point o P2P bus franchises dahil mas marami itong maisasakay na pasahero.

Inaasahan din ni Senator Binay ang muling pagbubukas ng Pasig River Ferry para makabawas sa mabigat na daloy ng trapiko.

Facebook Comments