Ipinag-utos na ni Philippine National Police (PNP) Chief General Archie Francisco Gamboa sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Women and Children Protection Center (WCPC) na imbestigahan ang nabunyag na “sex for pass” na umano’y kinasasakungtan ng ilang mga pulis na nagbabantay sa mga Quarantine Control Points (QCP).
Partikular na iniutos ni Gamboa na makipag-ugnayan sa Rappler na siyang unang naglabas ng istorya para matunton at makausap ang mga biktimang umano’y mga sex worker.
Ayon sa PNP chief, desidido silang makasuhan at maparusahan ang mga ganitong klase ng mga pulis pero kailangan din ang kooperasyon ng mga biktima.
Naiintindihan aniya nila ang kalagayan ng mga biktima na maaaring nahihiya o natatakot ang mga itong lumantad kaya’t mga babaeng imbestigador mula sa CIDG at WCPC ang pakikilusin para rito.
Payo ni Gamboa na makipag-ugnayan ang mga biktima kung saan maaari silang lumapit sa mga pulis na kilala nila at kanilang pinagkakatiwalaan.
Ito lamang aniya ang paraan para umusad ang kaso laban sa ilang mga pulis na sangkot sa mga ganitong uri ng gawain.
Sa inisyal na report, palulusutin sa checkpoint ang mga sex worker kung sila muna ay makikipagtalik sa pulis na nagbabantay kahit hindi sila awtorisadong lumabas sa panahon ng lockdown.