Thursday, March 26, 2026

CIDG, hindi isinasantabi ang posibilidad na may protector ang malaking operasyon ng e-sabong na sinalakay sa Tondo, Manila

Hindi isinasantabi ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang posibilidad na may mga indibidwal na nasa likod ng malaking operasyon ng online sabong o e-sabong na sinalakay ng mga otoridad sa Tondo, Manila.

Ayon kay CIDG National Capital Region (NCR) Director PCol. John Guiagui, sinabi ni CIDG Director Robert Morico III na masusing iimbestigahan para matukoy ang mga sangkot na indibidwal sa likod ng nasabing e-sabong.

Nabatid na niraid ng mga operatiba ang coliseum sa Vitas Tondo na nagresulta sa pagkakaaresto sa 174 na mga indibidwal.

Kung saan ang 136 dito ay napagalaman na mga bettor o mananaya na pinakawalan na rin ng pulisya matapos kunin ang kanilang mga personal na impormasyon at ang 28 dito ay ang mga management staff, empleyado, IT personnel, cameramen at tellers na nasa kustodiya naman ng Manila Police District (MPD).

Samantala, nahaharap naman sa mga kaukulang kaso ang mga naarestong indibidwal.

Ayon pa kay Guiagui, nasa 500 cockfights ang nangyayari sa loob ng coliseum araw-araw at kahit wala nang mga tao sa coliseum ay nagpapatuloy pa rin ang nasabing operasyon sa loob ng 24 na oras.

Kaugnay nito, ay komunsulta na rin ang CIDG-NCR sa Games and Amusement Board at Anti-Money Laundering Council (AMLC) para tukuyin kung may pananagutan ba ang mga mananaya at matrack ang mga malalaking personalidad na posibleng sangkot sa nasabing operasyon.

Facebook Comments