Sunday, April 19, 2026

Zaldy Co, nasa Portugal pa rin; Atong Ang, hindi pa lumalabas ng Pilipinas — ayon kay Jonvic Remulla

Ipinahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na nananatiling nasa Portugal si dating Congressman Zaldy Co, samantalang nasa Pilipinas pa rin ang negosyanteng si Atong Ang.

Ayon kay Remulla, batay sa kanilang intelligence, nasa Portugal pa rin si Co.

Si Co ay patuloy na pinaghahanap ng batas kaugnay ng mga kasong graft at malversation na may kinalaman sa flood control mess.

Aniya, makikipagpulong siya sa Philippine Center on Transnational Crime (PCTC) upang maisapinal ang kahilingan na makapagpalabas ang interpol ng red notice laban kay Co.

Dagdag pa niya, habang pinaghahanap si Co, naka-freeze ang kanyang mga ari-arian, kabilang ang Misibis Bay, Midas Casino, dalawang bahay sa Forbes Park, at mga bahay sa Valle Verde at Shangri-La.

Sinabi rin ni Remulla na magtutungo siya sa Portugal upang makipag-usap sa mga opisyal doon para mapadali ang pagdakip sa dating mambabatas.

Samantala, sinabi ni Remulla na nasa Pilipinas pa rin si Atong Ang, na patuloy ding pinaghahanap kaugnay ng kaso ng nawawalang mga sabungero.

Aniya, sa mga susunod na linggo ay ibeberipika nila ang lugar na pinaniniwalaang pinagtataguan ni Ang.

Bibili rin ang DILG ng sampung drone na may 24-hour capacity at may infrared upang mapalakas ang surveillance laban sa mga high-profile fugitives.

Facebook Comments