Citizens drug watch, planong buhayin ng isang senador at isasama niya si Pangulong Duterte

Plano ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na i-reactivate ang citizens drug watch para makatulong pa rin sa anti-drug advocacy niya kahit private citizen na siya kapag nagretiro na sa June 30.

Kaugnay nito ay plano ni Sotto na imbitahan si Pangulong Rodrigo Duterte na lumahok sa nasabing grupo para maging honorary chairman.

Sabi ni Sotto, pupuntahan at kakausapin niya si Duterte ukol dito kapag pareho na silang ordinaryong mamamayan o kapag tapos na sila sa kani-kanilang panunungkulan sa gobyerno.


Kwento ni Sotto, sila ni dating Senator Boy Herrera ang nagbuo ng citizens drug watch noong 1989.

Ayon kay Sotto, ang citizens drug watch ay non-government organization o NGO na nagbabantay noon sa paglilitis ng kaso ng mga sangkot sa iligal na droga.

Binanggit ni Sotto na noong aktibo pa ang NGO, naobserbahan nila kung talagang drug lord ang nakasuhan o mayroon lamang bitbit na droga pero tinatawag ng drug lord.

Ayon pa kay Sotto, mabigat ang grupo nila lalo na pagdating sa prosecution, prevention at rehabilitation.

Facebook Comments