Cauayan City, Isabela- Namangha ang mga Validation team ng DILG sa ginawang pagberipika hinggil sa pagtugon ng pamahalaang lungsod ng Ilagan sa kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte na ayusin at linisin ang mga lansangan mula sa mga sagabal o obstructions upang mapakinabangang maayos ng mamamayan.
Isinagawa ang inspeksyon at validation kahapon sa pangunguna ni Ginoong Raul Melegrito, ang City Government Officer ng Santiago City sa mga lansangan sa naturang Lungsod ng Ilagan.
Dito ay nagulat ang nasabing opisyal kasama ang mga kinatawan mula BFP, PNP at maging ang mga lokal na media na nagvalidate sa ginawang aksyon ng pamahalang Panlungsod kung saan ay hinigitan pa di umano ng pamahalaang panlungsod ang inaasahan ng DILG.
Sinabi ni Ginoong Melegrito na lahat umano ng parameters na ginamit sa validation ay 100 porsyentong nakamit ng pamahalang panlungsod gaya ng magandang pagtugon sa road clearing operations, rehabilitasyon at widening sa mga lansangan, pagtulong sa mga pamilyang apektado ng clearing operations, dami ng mga naipasang ordinansa at mga nalinis na lansangan.
Kabilang rin dito ang magandang pagbibigay serbisyo publiko ng pamahalaang lokal ng Ilagan.
Dagdag pa ni Ginoong Melegrito na malaking papel ito para sa mga punong barangay at opisyal dahil sila na ang susunod na magbabantay at mamamahala sa mga nalinis na mga lansangan sa Lungsod ng Ilagan.