“City of Ilagan ang may Best Practice sa Pagsugpo ng COVID-19”- DOH Region 2

Cauayan City, Isabela- Bahagyang bumaba ang bilang ng naitalang aktibong kaso ng COVID-19 sa City of Ilagan, Isabela.

Batay sa datos na inilabas ni Mayor Josemarie Diaz, mula sa dating 288 na active cases ay nasa 177 na lamang ito.

Sa loob ng walong araw, nakapagtala ng 103 total recoveries, ibig sabihin marami na umano ang nakakarekober sa sakit kumpara sa mga tinamaan ng virus.


Inihayag rin ng alkalde na bumaba na ang Average Daily Attack Rate (ADAR) mula sa 19.02% ay nasa 18.60% na lamang ito.

Malaki na rin ang pagbaba sa two-week growth rate mula sa 177% ay pumalo na ito sa 94.73% o 82.27% na pagbaba kung kaya’t nasa kategorya na lamang ng moderate risk ang lungsod.

Ayon pa kay Diaz, unti-unti na rin umanong nakakatulong ang lokal na pamahalaan dahil nagagawan ng buksan ang City of Ilagan Medical Center sa iba pang munisipalidad na nangangailangan ng tulong medikal dahil sa COVID-19.

Samantala, una nang inihayag ng Department of Health (DOH) region 2 sa pangunguna ni Regional Director Dr. Rio Magpantay na ang lungsod ng Ilagan ang may Best Practice sa pagsugpo ng COVID-19 sa buong rehiyon dos para mapigilan ang pagtaas ng kaso nito.

Mananatili naman ang ipinapatupad na checkpoint sa lungsod upang masigurong maiiwasan ang lalong hawaan sa COVID-19.

Facebook Comments