Cauayan City, Isabela-Isinailalim na sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang City of Ilagan sa Isabela simula ngayong alas-otso ng gabi hanggang October 16 dahil sa local transmission ng COVID-19.
Ito ay batay sa ipinalabas na executive order no.36 na nilagdaan ni Governor Rodito Albano III.
Batay sa datos ng City health office, umabot na sa 158 ang kaso ng COVID-19 sa lungsod habang 42 barangay na ang apektado nito kung saan 46% sa 91 barangay ay nasa pagsasailalim ng critical zone at ang adjacent barangay ay nasa containment zone at ang nasa 500 metro mula sa mga apektadong barangay ay nasa buffer zone naman.
Samantala, limitado naman ang operasyon ng Governor Faustino N. Dy Memorial Hospital sa nasabing siyudad dahil sa patuloy na disinfection na kanilang ginagawa makaraang magpositibo sa COVID-19 ang isang pasyente.
Pinayuhan naman ang lahat ng residente sa lungsod na sundin ang health protocol habang umiiral ang MECQ.