Cauayan City, Isabela- Nakapagtala na rin ng tatlong (3) positibong kaso ng corona virus ang Lungsod ng Ilagan ngayong araw.
Ayon sa ulat ni Ginoong Lexter Guzman, Health Education & Promotion Officer ng DOH Region 2, isnag 22-anyos na lalaki na nagkaroon ng pagbiyahe mula sa Quezon City at nakauwi lamang sa siyudad nitong ika-18 ng Hunyo.
Kabilang din ang isang 19-anyos na babae na may kasaysayan ng pagbiyahe mula sa Pasay City at nakaranas ng sintomas na pag-uubo ng makauwi rin ito sa lungsod.
Kasama rin ang isang 39-anyos na lalaki na may travel history sa Taguig City subalit ‘asymptomatic’ ang pasyente.
Nakauwi ang tatlong pasyente na kabilang sa mga Locally Stranded Individuals nitong ika-18 ng Hunyo at nakuhanan lamang ng specimen sample at isinailalim sa swab test nitong ika-20 at nagpositibo ang resulta ngayong araw.
Ipinag-utos na ang contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng mga pasyente para matiyak na hindi na kakalat pa ang sakit.