Nangako ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na ipaprayoridad na nila ang chartered flights ng mga repatriated OFW.
Sa pagdinig ng House Committee on Public Accounts, sinabi ni CAAP Deputy Director General Capt. Donald Mendoza na nakakatanggap lamang sila ng flight clearances at wala umano silang restriction o disapproval na ginagawa para sa chartered flights ng mga OFW pauwi ng bansa.
Ito ay matapos ihayag ni Department of Foreign Affairs Undersecretary Sarah Lou Arriola na mabagal ang repatriation sa mga OFW dahil sa flights caps na itinakda ng CAAP.
Bukod dito, ini-assign din sa kanila ng CAAP na tuwing Lunes, Huwebes at Sabado ang chartered flights dahil ang ibang araw ay para naman sa commercial flights.
Sinabi naman ni Mendoza na ang Inter-Agency Task Force (IATF) ang nagtatakda ng cap sa chartered flights na siya namang itinanggi agad ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nasa hearing din at miyembro ng task force.
Pero sa huli ay nangako ang CAAP na uunahin na araw-araw ang chartered flights ng mga OFW matapos na igiit ito ni Public Accounts Chairman Mike Defensor.
Mula sa 6,000 na mga OFW na napapauwi sa Pilipinas kada Linggo ay aabot na sa 14,000 na mga OFW kada Linggo ang mare-repatriate dahil sa pag-alis ng limitasyon sa mga OFW chartered flights.