“Civil partnership” sa bansa, hiniling na kilalanin na

Inihirit muli ngayong 19th Congress sa Kamara na kilalanin na ang civil partnership sa bansa sa parehong “opposite” at “same sex”.

Sa House Bill 1015 na inihain ni Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera ay isinusulong na kilalanin na sa bansa ang civil partnership ng mga couple, sila man ay magkaiba o parehong kasarian.

Tinukoy ni Herrera na bagama’t natatanggap na sa bansa ang civil partnership, hindi pa rin naigagawad sa mga couples na hindi eligible na magpakasal ang kanilang basic civil rights sa ilalim ng umiiral na batas.


Aniya, malaking bahagi ng populasyon na apektado ng kakulangan sa karapatan na ito ay ang mga miyembro mula sa lesbian, gay, bisexual, transgender, queer and asexual (LGBTQA+) community.

Dahil dito, hindi maideklara ng mga couples ang kanilang mga civil partners bilang mga benepisyaryo sa mga social security at insurance plans.

Hindi rin maipamana sa naiwang partner ang mga pag-aari sakaling masawi.

Dahil sa mga restrictions na ito ay naipagkakait sa mga couples ang kanilang kalayaan na naibibigay naman sa karamihan ng mga Pilipino.

Facebook Comments