Manila, Philippines – Umaapila sa Senado ang Civil Society Group na huwag paboran ang panukala ni Senator Juan Edgardo “Sonny” Angara na mai-lift ang 12-percent Value Added Tax exemption para sa mga low-cost and socialized housing unit.
Sa pulong balitaan sa Quezon City, sinabi ni United Filipino Consumers and Commuters President Rodolfo Javellana Jr. na mariin nilang tinututulan ang panukala ng naturang senador.
Aniya, magreresulta ng matinding epekto sa mga mahihirap na sektor na nangangarap magkabahay kung maipapasa sa senado ang naturang panukala.
Ang naturang tax reform plan ay magsisilbing pabigat sa mga Overseas Filipino Worker na ang kayang bilhin lamang ay low-cost and socialized housing unit na nagkakahalaga ng P450,000.
Batay sa RA.7279 o urban housing and development act of 1992, ang 12% VAT ay maipapataw lamang sa mga housing unit na nagkakahalaga ng P3.2 milyon pataas.
Apila pa ni Javellana Jr. dapat i-exempt sa 12% VAT ang low-cost and socialized housing upang magkaroon ng disenteng tahanan ang mga ordinaryong Pilipino.