Magpapakalat ang Philippine National Police (PNP) ng mga non-uniformed personnel sa mga matataong lugar ngayong nalalapit na ang panahon ng Kapaskuhan.
Kabilang dito ang Divisoria, mga tiangge, plaza at mga kilalang pasyalan.
Bukod pa ito ani Fajardo sa itatalagang kapulisan sa mga police assistance desk sa iba’t ibang lugar.
Aniya, ang mga non-uniformed policemen ay ihahalo sa mga tao para mag-obserba saka-sakaling mayroong mamataang mga indibidwal na kahina-hinala ang kilos.
Kaugnay nito muling nagbabala sa publiko si Fajardo hinggil sa naglipanang mga modus ng mga kawatan kabilang dito ang naglipanang pekeng pera, palit-pera modus, basag-kotse modus at marami pang iba.
Una nang sinabi ng PNP na magpapakalat sila ng sapat na pwersa upang matiyak na magiging mapayapa ang selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon.