Hinimok ni Chief Justice Diosdado Peralta ang sambayanang Pilipino na pairalin ang diwa ng kabayanihan at malasakit sa kapwa ngayong may krisis sa buong mundo.
Sa mensahe ni CJ Peralta sa ika-122 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, sinabi nito na kasabay ng pagpupugay sa mga bayaning nagbuwis ng buhay para makamit ng bansa ang kalayaan, dapat din aniyang bigyan ng pagpupugay ang mga bagong bayaning frontliner na matapang na humaharap at lumalaban sa COVID-19 pandemic.
Iniulat din niya ang patuloy na pagpapatupad ng hudikatura ng mga hakbangin para sa tuluy-tuloy na paglaya ng mga bilanggo.
Layon nito na mapaluwag ang mga piitan sa harap ng patuloy na banta ng COVID-19.
Tiniyak din ng punong mahistrado na magpapatuloy ang video conferencing, online filing ng mga kaso at ang pagpipiyansa sa pamamagitan ng online at ang patuloy na pagbubukas ng kanilang komunikasyon para maserbisyuhan ang publiko.
Nanawagan din si CJ Peralta ng pagkakaisa para maging matagumpay ang paglaban ng bansa sa pandemic.
Hiniling din ng punong mahistrado sa sambayanan ang patuloy na pagdarasal para sa kaligtasan ng lahat at para sa paghilom ng Pilipinas at ng buong mundo.