Manila, Philippines – Hiniling ni Dinagat Island Rep. Arlene “Kaka” Bag-ao na ipatawag ang mga mahistrado ng Korte Suprema kaugnay pa rin sa pagdinig sa pagtukoy kung may probable cause ang impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Kasama sa balak na ipapa-subpoena ng komite si Chief Justice Sereno.
Pero sa mosyon ni Deputy Speaker Gwen Garcia, hiniling na ipatawag ang mga mahistrado ng paisa-isa o kung kailan lamang sila kailangan na magsalita para hindi naman maparalisa ang Korte Suprema kung lahat na lang ng mahistrado ay ipapatawag.
Nauna ng hiniling na ipatawag si Supreme Court Associate Justice Teresita de Castro dahil siya rin ang itinuturo ni Atty. Larry Gadon na makakasagot sa mga tanong ng mga kongresista.
Tiwala naman si Justice Committee Chairman Reynaldo Umali na ginagawa lang naman ng Kamara ang kanilang trabaho at walang malalabag sa karapatan ng mga Justices.
Samantala, balak ding ipatawag ng komite ang Manila Times Reporter na si Jomar Canlas.
Si Canlas ang itinuturo ni Gadon na kanyang source na nagsabing nakausap niya ng personal ni Justice de Castro sa mga falsification na ginawa ng Chief Justice.
Ipinapasubpoena din ang mga dokumento na binabanggit ni Gadon dahil wala siyang kopya ng mga falsified documents na ibinibintang kay Sereno.