CJ SERENO IMPEACHMENT CASE | Umano’y P200 milyong isusuhol sa mga Senador, pinalilinaw kay Atty. Gadon

Manila, Philippines – Binigyan ng limang araw ang complainant na si Atty. Larry Gadon para ipaliwanag nito ang kanyang ibinunyag na may isang `Oligarch` ang manunuhol ng 200 million pesos sa bawat Senador para ma-acquit si SC Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa oras na maiakyat na sa Senate Impeachment Court ang reklamo.

Ayon kay Justice Committee Chairman Reynaldo Umali, sapat na siguro ang limang araw para magpaliwanag si Gadon sa kanyang mga akusasyon.

Hindi naman pinalagpas ng mga kongresista si Gadon at ginisa ito sa kanyang naging paratang sa mga mambabatas.


Giit dito ni Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin, dapat na humingi ng apology si Gadon sa mga Senador kung wala naman itong maipapakitang ebidensya para suportahan ang kanyang mga paratang.

Nasisira aniya ang integridad ng impeachment proceedings dahil nagbibigay ito ng impormasyon na hindi naman verified.

Sinabihan din ni Garbin si Gadon na manahimik na lamang ito kung hindi sigurado sa mga sasabihin.

Nagbabala naman si Quezon City Rep. Bingbong Crisologo na maaari itong ipa-cite in contempt ng Justice Committee dahil sa paninirang ginagawa.

Samantala, sa nagpapatuloy na pagdinig, tinatalakay naman ngayon ang pag-upo lamang ni CJ Sereno sa Survivorship Benefits ng mga spouses ng mga Justices at Judges.

Suportado ng batas ang pagbibigay ng retirement benefits sa mga naiwang asawa ng mga yumaong justices at judges sa ilalim ng RA 910 as amended by RA 9946.

Aabot sa 29 applications ng mga surviving spouse ang hindi inaksyunan ni Sereno sa kabila ng naging request dito ni Marquez na madaliin ang pabibigay ng benepisyo sa mga surviving spouses.

Facebook Comments