‘Class suit’ laban sa LTFRB isasampa ng Hatchback Community

Maghahain bukas ng mandamus case sa Quezon City Prosecutors Office ang Hatchback Community laban sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sa isang pulong balitaan sa Quezon City, sinabi ng Hatchback Community na hihilingin nila sa Quezon City Regional Trial Court na ipatupad ng LTFRB ang inilabas nilang  Memorandum Circular 2018-005.

Malinaw anila sa kautusan ng ahensya na maari pa silang mag-renew ng prangkisa hanggang 2021 dahil 3 taon pa bago ito tuluyang tanggalin sa kalsada mula nang ilabas ang Memorandum Circular noong 2018.


Dagdag ng grupo,  malaki na ang epekto  sa kanilang kabuhayan ng hindi na pagtanggap sa kanilang mga aplikasyon na mamasada bilang TNVS sa bansa.

Una nang iginigiit ng LTFRB na hindi ligtas ang hatchback units na gawing TNVS dahil sa mas maliit itong klase ng sasakyan kumpara sa mga SUV at iba pang unit na gamit ng mga TNC.

Giit ng grupo, 1,225 na sa ngayon ang deactivated bilang TNVS.

Ito anila ang bilang ng mga nawalan ng trabaho sa kanilang hanay.

Ayon kay dating LTFRB Chair  Atty. Ariel Inton ng LCSP na isa sa tatayong abugado ng Hatchback Community walang dahilan para ipagbawal ang hatchback bilang TNCs dahil malinaw sa pinirmahang MC na maari pa itong gamitin.

Facebook Comments