Sa unang pagkakataon, binasag na din ni Claudine Barretto ang kaniyang katahimikan kaugnay sa nangyaring tensyon sa burol ng kanilang ama noong nakaraang linggo, kung saan dawit ang mga kapatid na sina Gretchen at Marjorie.
Diretsahang sinabi ng aktres na pawang kasinungalingan ang pahayag ni Marjorie sa one-on-one interview nito kay Karen Davila, Martes ng gabi.
Ayon kay Claudine, hindi siya nagsimula ng away at hindi niya ito kayang gawin sa harapan ng mga kaanak at ni Presidente Rodrigo Duterte.
Matatandaang naganap ang alitan at sakitan habang nasa burol si Duterte.
Saad pa ng nakababatang Barretto, si Gretchen ang unang nakipagbati kay Marjorie dahil sa suhestiyon ng Pangulo.
Pero sa harapan ni Duterte, sinabi ni Marjorie na hindi siya makikipag-ayos kay Gretchen sapagkat marami itong ginawa sa kaniyang pamilya at anak.
“So sabi ni Gretchen, hindi ako na lang po bilang nakakatandang kapatid. Nag-give way talaga yung ate ko. With all humility. Alam mong napakahirap gawin yun ha. Ikaw ang ate, ikaw ang magpapaubaya,” tugon ni Claudine sa panayam ni GMA-7 reporter Nelson Canlas.
Hindi niya umano nasikmura ang ipinakitang ugali ng kapatid sa mga bumisitang opisyal.
Paglilinaw ni Claudine, kalmado siya nung kinausap si Marjorie.
“Sabi ko, ‘Huwag sa harapan ng presidente, Marjorie. You’re unbelievable.”
Pakiramdam pa niya, may dagdag-bawas sa kuwento ng ate niya sa publiko. Mas lalo din siyang hirap tanggapin ang pagkamatay ng ama sanhi ng mga nangyaring sugalot.
“Hindi ko alam kung dahil sa gulong ‘to o dahil ayoko pang i-accept. Hindi ako okay kasi alam kong hindi okay ang daddy ko, hindi siya masaya sa mga pangyayaring ito.”