Cauayan City, Isabela-Patuloy ang ginagawang simultaneous clean-up drive ng Cauayan City Police Station bilang bahagi ng mandatong makatulong sa kalikasan katuwang ang ilang indibidwal at grupo.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLT. Scarlette Topinio, tagapagsalita ng PNP Cauayan, agad silang tumulak sa Brgy. Carabatan Chica dahil target nila ang mga riverbanks, mga kanal at palengke na hindi lingid sa kaalaman ng lahat na makikita ang samu’t saring mga basura.
Katuwang ang Advocacy Coalition Support Group, KKDAT Cauayan Chapter,4Ps, Green Ladies, BPATs, Sangguniang Kabataan at mga barangay official sa nasabing lugar para sa sabayang paglilinis sa paligid.
Ayon pa kay PLT. Topinio, isinagawa ang clean-up drive isang beses kada linggo at inaasahang mas marami pang barangay ang kanilang iikutan para ipagpatuloy ang naturang aktibidad.
Samantala, maswerte namang napili sa ilalim ng Barangayanihan Project ng PNP ang dalawang recipient mula sa Brgy. Villaflor at San Luis matapos pagawaan ng libreng bahay katuwang ang PNP Crime Laboratory.
Hinihikayat naman ni Topinio ang publiko na suportahan ang mga programa ng kapulisan.