Simula ngayong araw ng Miyerkules, July 22, 2020, hanggang sa Biyernes, July 24, 2020, ay pansamantalang suspendido ang clearance operation sa Main Clearance Center ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ang nasabing tanggapan ay matatagpuan sa UN Avenue, sa Ermita, lungsod ng Maynila.
Sa isang abiso, sinabi ng NBI na sa loob ng mga nabanggit na araw ay magsasagawa ng disinfection at paglilinis kung saan isa rin ito sa mga hakbang ng NBI laban sa COVID-19.
Magbabalik-operasyon naman ang NBI Main Clearance Center sa darating na Lunes, July 27, 2020.
Ang mga aplikante para sa clearance na apektado ng ilang araw na suspensyon ng clearance operation ay maaaring magtungo sa iba pang mga satellite office ng NBI upang makakuha ng kani-kanilang clearance.
Ilan naman sa nagtungo sa NBI para kumuha ng clearance ay dismayado dahil ngayon lang nila nalaman ang suspensyon ng clearance operation lalo na’t mahirap muling kumuha ng schedule.