Cauayan City, Isabela- Kasalukuyan pa rin ang ginagawang clearing operation ng tropa ng 86th Infantry ‘Highlander’ Battalion sa bayan ng San Guillermo at sa mga karatig na lugar na posibleng pinagtaguan ng mga nakasagupang rebelde kahapon, Marso 15, 2021 sa Sitio Disulip, brgy San Mariano Sur, San Guillermo, Isabela.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni LTC Ali Allejo, Commanding Officer ng 86IB sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Sa patuloy na pagsuyod ng tropa ng pamahalaan sa pinangyarihan ng engkuwentro, narekober ang ilang mga bala, magazine at gamit ng mga nakalabang NPA.
Nakita rin sa encounter site ang maraming bakas ng dugo at telang may mga bahid ng dugo.
Tinatayang nasa mahigit isang squad ng rebelde ang nakapalitan ng putok ng baril ng mga sundalo.
Ayon pa sa Kumander, sinamantala ng mga natitirang rebelde sa kanilang nasasakupan ang panahon ng anihan sa lugar upang makapangikil ng pera at makahingi ng mga pagkain.
Kaugnay nito, lalo pang pinaghahandaan ng hanay ng 86th IB ang posibleng binabalak ng mga rebelde lalo na at malapit nanaman ang kanilang anibersaryo.
Nagpapasalamat naman si LTC Allejo sa mabilis na pakikipagtulungan ng mamamayan sa kasundaluhan kung kaya’t agad na natugunan ang kanilang mga sumbong at napigilan ang extortion activity ng mga rebelde.