Nagsasagawa ng sidewalk at road clearing operations ang strike force ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) laban sa mga iligal na nakaparada na sasakyan sa iba’t ibang lugar na sakop ng Mabuhay Lanes.
Partikular sa Delpan Service Road hanggang Road 10 sa bahagi ng Tondo, Manila ngayong araw.
Ang operasyon ay bahagi na rin ng patuloy na gawain ng ahensya upang mapanatiling maluwag sa trapiko ang itinalagang Mabuhay Lanes.
Parte rin ito ng paghahanda ng ikakasa na aktibidad sa Linggo na Kick-off Rally ng Bagong Pilipinas ng pamahalaan.
Nasa limang sasakyan, dalawang tricycle, dalawang e-trike at limang motorsiklo ang nahatak haban ilang mga motorista ang nahuli at tiniketan sa ilalim ng pangunguna ni MMDA Officer-in-Charge Gabriel Go.
Nabatid na inaasahan na halos milyong indibidwal din ang lalahok sa nasabing aktibidad habang nasa halos 5,000 mga sasakyan din ang darating at uukupa sa kalsada na pagdarausan sa Roxas Boulevard hanggang sa Road 10.
Pinapayuhan naman ng MMDA ang publiko at motorista na iwasan ang pagparada sa mga bangketa at kalsada para hindi sumikip ang daloy trapiko at mapanatiling walang sagabal ang lahat ng mga kalsada.