Cauayan City, Isabela- Isinailalim sa partial lockdown ang Clinical Department ng Kalinga Provincial Hospital partikular ang Medicine, Pediatrics, Surgery, Orthopedics, at OB-GYNE ngayong araw, Enero 22, 2021.
Base sa abiso ng ospital, 11 personnel mula sa 65 na bilang ang nagpositibo sa COVID-19 matapos lumabas ang kanilang resulta kahapon (Enero 21).
Tanging mga pasyenteng may extreme emergency cases ang ipaprayoridad para mabigyan ng paunang lunas bago pa man magkaroon ng referral ang mga pasyente.
Magiging limitado naman ang konsultasyon ng mga Out-Patient Department (OPD) particular ang kanilang mga isasagawang follow-up check-up gayundin ang mga buntis na may mga komplikasyon.
Sisiguruhin naman ng pamunuan ng ospital na pamamahalaan nila ang mga pasyenteng may extreme emergency cases gaya nalang kung suspect COVID, RT-PCR test o Antigen Rapid Test positive hanggang sa kung kakailanganin ng isangguni ito sa iba pang ospital partikular na ang mga OB-GYNE, Orthopedic at Surgery patient na magpopositibo.
Muli naman ipinapaalala ng pamunuan ng ospital ang pagsunod sa minimum health standard para makaiwas na mahawa sa nakamamatay na virus.