Umabot na sa 68 volunteers ang nag-qualify na sumailalim sa clinical trials ng Department of Science and Technology (DOST) para sa bisa ng Lagundi laban sa COVID-19.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DOST Secretary Fortunato de la Peña na 44 sa nasabing bilang ay nasa Quezon Institute Quarantine Center habang 24 sa Philippine National Police (PNP) Quarantine Center.
Kabilang sa mga titingnan ay kung makakabuti ang Lagundi sa mga sintomas gaya ng ubo, sore throat at lagnat, at kung mapapababa nito ang probability na mapunta ang pasyente sa moderate mula sa pagiging severe COVID-19 patient.
“Doon sa 44 na ‘yun sa Quezon Institute ay 17 na ang natapos, do’n naman sa PNP ay apat. Gagawa sila ng analysis d’yan pagtapos na ‘yung target nilang bilang ng pasyente, I think mga around 200,” ani de la Peña.
Samantala, ngayong linggo ay uumpisahan na rin ang analysis sa natapos na clinical trial ng Virgin Coconut Oil (VCO) habang naghihintay pa ng ethics approval ang DOST para masimulan ang pag-aaral sa posibleng bisa ng tawa-tawa laban sa COVID-19.
“Yung sa VCO natin, ‘yung sa Sta. Rosa tapos na. Itong week na ‘to umpisa na ang kanilang analysis, 56 patients nakauwi na lahat. Para sa akin, the mere fact na nakauwi na silang lahat ibig sabihin e bumuti na sila. Ngayon, ang kailangan lang malaman, ‘yun bang mas mabilis ang pagbuti ay ‘yung mga binigyan ng VCO kasi kalahati do’n ay binigyan, kalahati ay hindi,” dagdag pa ng kalihim.
Inaasahang mailalabas na sa Nobyembre ang resulta ng clinical trial sa VCO.