Clinical trial sa Ivermectin, posibleng umpisahan na ngayong buwan

Kasalukuyan nang binubuo ang mga protocols ng research team ng University of the Philippines (UP) hinggil sa ikakasang clinical trial sa bansa ng Ivermectin na posibleng umpisahan na ngayong buwan ng Mayo.

Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Dr. Jaime C. Montoya, Executive Director ng Council for Health Research and Development, na kapag naisapinal na ng research team kung saan gagawin ang trial, kung anong pangkat o grupo ng populasyon ang isasali sa pagsusuri ay kanilang itong isusumite sa Food and Drug Administration (FDA) at kapag aprubado na ay mag-iisyu ang FDA ng permit para sa nasabing clinical trial.

Ayon kay Dr. Montoya, ang mga mayroong mild to moderate cases ng COVID-19 na pawang nasa quarantine facilities ang isasali sa trials.


Paliwanag nito, importanteng nasa quarantine facilities ang mga kalahok dahil araw-araw silang imo-monitor ng research team.

Inaasahan namang bago matapos ang taong kasalukuyan ay ilalabas ng research team ang datos ng kanilang clinical trial at pagsapit ng 1st quarter ng 2022 ay mailalabas na ang pinal na resulta ng pag-aaral sa Ivermectin.

Sa ngayon, wala pang matibay na ebidensya na makapagpapatunay na talagang makatutulong ang Ivermectin sa mga tinamaan ng COVID-19.

Matatandaang si Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang nag-utos sa Department of Science and Technology (DOST) na magsagawa ng pag-aaral sa Ivermectin.

Facebook Comments