Inaasahang magsisimula na ngayong buwan o sa Enero ng susunod na taon ang clinical trials sa bansa ng dalawang potential vaccines para sa COVID-19.
Ayon kay Vaccine Czar at National Task Force against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr., kabilang sa magsagawa ng clinical trials sa bansa ay ang Sinovac ng China at Sputnik V ng Gamaleya Research Institute of Epidemiology and Microbiology ng Russia.
Aniya, ipinabatid sa kanya ng vaccine experts na ang Sinovac ang pinakaligtas na bakuna kontra COVID-19 dahil wala namang naitalang insidente na nakakamatay sa paggamit nito.
Kung makikipag-deal ang bansa sa Chinese pharmacy ay aabutin ng 60 hanggang 90 araw bago maihanda at maipadala ang bakuna.
Matatandaang Oktubre nang i-clear ng vaccine expert panel (VEP) sa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST) ang anti-COVID-19 vaccine na Sinovac para sa clinical trials sa Pilipinas.
Habang inihayag ng Gamaleya na 95% na epektibo ang dini-develop nitong Sputnik V vaccine, batay na rin sa ikalawang interim analysis ng clinical trial data.