Cauayan City, Isabela – Isa ang 98.5 iFM Cauayan na kinakatawan ng station manager nito ang nabigyan pagkilala ng Civil Military Operations Group (CMOG), Philippine Air Force sa kanilang ikalawang taong anibersaryo.
Ginawa ang parangal sa isang virtual awarding ceremony sa araw na ito, Abril 5, 2021 sa isang simpleng programa na pinangunahan ni LTC Leopoldo Acerden IV (GSC) ang Acting Group Commander ng PAFCMOG.
Ang parangal ay itinaon sa pangalawang anibersaryo ng naturang sangay ng Hukbong Panghimpapawid ng Pilipinas.
Kabilang sa mga nabigyan ng parangal mula sa Rehiyon Dos ay ang Department of Agriculture Regional Office 2, Southern Isabela College of Arts and TRADES-TESDA(SICAT-TESDA) at Punong Barangay Joseph Daracan ng Centro III, Angadanan, Isabela.
Sa mensahe na ibinahagi ni LTC Acerden, kanyang sinabi na malaki ang naitulong ng mga naparangalan upang maisulong ang mga programa at aktibidad ng CMOG ng PAF na kinabibilangan ng rescue at relief operations, campus peace forums, youth development, outreach programs, CMO activities at maraming iba pa.
Nagpasalamat siya sa mga naiambag ng iba’t ibang sektor na kinakatawan ng 22 na mga stakeholder awardees.
Ang mga nabigyan ng certificate of appreciation ay ang JCI-Manila; Springboard Foundation; Philippine Obstetrical and Gynecologist Society-Marikina; TESDA-NCR; St Therese of Lisieux; National Commission on Indigenous People; University of Makati; Palawan State University; Western Philippines University; Philippines Accessible Disability Services (PADS); Rotary Club of Mactan; Southern Isabela College of Arts and TRADES-TESDA(SICAT-TESDA); Department of Agriculture Regional Office 2; Department of Health Mindanao Central Sanitarium; USec Joel Sy Egco; Jose Alther Rivera; Hon. Joseph T Daracan; Mr Christopher Ramsyl S. Estolas (98.5 i-FM Cauayan);
Mr. Roberto D. Gajo; Ms. Marlyn Z. Mendiola; LTC Edie R Balunso Prof at Cpt John Dave G Aguilar(INF) PA.
Nagpasalamat naman si Ginoong Christopher Estolas, Station Manager ng 98.5 iFM Cauayan sa naturang pagkilala at kanyang ipinaabot na kabahagi ito ng serbisyo publiko na hatid ng Radio Mindanao Network kung saan nakabilang ang 98.5 iFM Cauayan na nakahimpil dito sa Lungsod ng Cauayan, Isabela.
Ang naging tema ng pagdiriwang sa pangalawang anibersaryo ng CMOG PAF ay: “Patuloy sa Diwa ng Serbisyo Publiko, Galing sa Pakikitungo, Malasakit sa Bawat Pilipino”.