COA at ADB, magtutulungan para sa mas epektibong pag-audit sa  foreign-assisted projects

Nagpulong ang mga opisyal ng Commission on Audit (COA) at Asian Development Bank (ADB) para talakayin ang mas maigting na pag-audit sa mga foreign-assisted projects, public debt audit at reporma sa Public Financial Management (PFM).

Bahagi ng agenda sa idinaos na pulong ang PFM Inter-Agency Initiative for Green Lane Fiduciary Arrangements na parte ng international commitments ng COA.

Sa pangunguna ni COA Chairperson Gamaliel A. Cordoba, nagbigay ang COA ng pagsusuri sa mga proyektong pinopondohan ng ADB.


Pinuri naman ng ADB ang papel ng COA para matiyak na epektibo at maayos ang financial management systems.

Sa pahayag ng COA, tinalakay ng ADB ang project portfolio nito sa Pilipinas.

Ayon sa ADB, patuloy ang pagtaas ng financial portfolio nito sa Pilipinas at inaasahang tataas pa ng mahigit 100 percent sa susunod na tatlong taon.

Kasama sa pulong ang pagtalakay sa Project Level Financial Management Issues sa ilalim ng Expanded Social Assistance Project (ESAP), Angat Water Transmission Improvement Project (AWTIP), at Health System Enhancement to Address and Limit COVID-19 o HEAL.

Maliban kay Cordoba, bahagi ng delegasyon ng Pilipinas sa nasabing pulong sina Assistant Commissioners Martha Roxana C. Sese, Adela L. Dondonilla at Alexander B. Juliano, Directors Corazon S. Rocas, Marilyn C. Briones, Haide T. Espuelas at Olympia P. Balugay, at OIC Assistant Directors Ameer S. Gamama at Eumaida P. Tiongson.

Dumalo din ang mga Supervising Auditors mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Department of Transportation (DOTr), Department of Public Works and Highways (DPWH), Local Water Utilities Administration, at Metropolitan Waterworks and Sewerage System.

Sa panig ng ADB, dumalo si ADB Philippines Country Director Mr. Pavit Ramachandran kasama si Ruth S. Farrant (Director, Public Financial Management [PFFM] 2) at iba pang mga opisyal.

Facebook Comments