COA, kinuwestyon ang implementasyon ng TUPAD Program ng DOLE sa Pampanga

Kinuwestyon ngayon ng Commission on Audit (COA) ang pamamahagi ng Panghanapbuhay sa Ating Disadvantage/Displaced Workers o TUPAD Program ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga benepisyaryo nito sa Pampanga.

Batay sa inilabas na COA report noong 2021, may 21,710 na mga benepisyaryo ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced (TUPAD) Program sa Pampanga na may pondong ₱91.1-M.

Ngunit napansin ng COA sa listahan ng mga benepisyaryo, na nasa 5,012 dito ang parehas ang personal na impormasyon gaya ng pangalan, petsa ng kapanganakan, ginamit na ID at ID number.


Kabilang sa mga bayan na natukoy na kaduda-duda ang mga tumanggap na benepisyaryo ay sa bayan ng Lubao na may 1,365 na pangalan, sa Arayat na may 1,290, Magalang na may 906, Mexico na may 903 at Sasmuan na may 490.

Nahihirapan naman ang COA na kumpirmahin ang mga benepisyaryo dahil sa hindi ma-contact ang mga numero na nakalagay.

Ayon naman sa Public Employment Service Office (PESO) ng Pampanga, posible raw na dahilan ng nauulit na pangalan ay dahil pareho lang ang listahan ng mga benepisyaryo noong 2020 at 2021 at ang gumawa nito ay ang mga munisipyo na nasa likod ng implementasyon ng programa.

Dagdag pa ng Pampanga PESO na patuloy nilang iimbestigahan ang umano’y isyu sa dobleng pangalan ng mga benepisyaryo ng TUPAD Program sa Pampanga.

Ang TUPAD Program ng DOLE ay layong magbigay ng emegency employment sa mga nawalan ng trabaho, underemployed, at seasonal workers sa loob ng 10 araw at hindi naman lalagpas ng 30 araw.

Facebook Comments