
Tukoy na ng Cavite Police ang isa sa mga person of interest na nagdala sa 19 na taong gulang na maritime student sa General Trias Medical Center sa Brgy. Manggahan, Cavite noong Linggo, March 1.
Kinilala ng pulisya ang nasabing person of interest sa alyas na “JM” at isa ring maritime student.
Ayon kay Cavite Chief PIO Plt. Sarah Jane Drio, napag-alaman na ang may-ari ng sasakyan ay isang miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at siyang kuya ng nasabing person of interest.
Sa ulat ng pulisya, dinala ng dalawang lalaki ang walang malay na biktima sa ospital at sinabing nasangkot ito sa isang hit-and-run habang may isa pa silang kasama na pawang driver na naiwan sa ginamit na sasakyan.
Pagkatapos dalhin ay agad na umalis ang dalawang lalaki nang hindi nagbibigay ng impormasyon patungkol sa nasabing biktima.
Kalaunan ay kinilala ang biktima na si alyas “Ken” ng kanyang ama, isang first year na estudyante at residente ng Dasmariñas Cavite.
Kaugnay nito, hinihintay na lang ng pulisya ang opisyal na medico-legal findings para malaman ang eksaktong dahilan ng pagkasawi ng biktima na inuugnay sa hazing dahil sa mga pasa at galos nito sa katawan partikular na sa hita.
Nagsasagawa na rin ngayon ang pulisya ng masusing backtracking at follow-up operations para matukoy ang buong nangyari sa nasabing insidente pati na ang mga taong responsable rito.










