Manila, Philippines – Kinuwestyon ng Commission on Audit (COA) ang pagkuha ni dating Tourism Secretary Wanda Teo ng P2.5 milyong halaga ng mga produkto sa Duty Free Philippines Corp.
Batay sa 2017 audit report ng COA, kumuha ang Office of the Secretary ng Department of Tourism (DOT) ng P2.174 milyong halaga ng produkto mula sa DFPC.
Nagpalabas umano ng memoranda ang opisina ni Teo at ni noon ay Undersecretary for Administration and Special Concerns Rolando Cañizal para mabigyan ng gate pass para mailabas ang mga produkto mula sa Duty Free.
Bukod pa rito, kumuha rin si Teo ng 277 na items na mahigit sa P346,000.00 ang halaga pero hindi inirekord sa book of accounts ng DFPC.
Nauna nang nalagay sa kontrobersya si Teo dahil sa paglalaan ng DOT ng P60 milyong advertisement sa programa ng kayang mga kapatid sa government station na PTV 4.