COA, magsasampa ng karagdagang kaso sa Ombudsman ngayong araw laban sa contractors at DPWH personnel

Magsasampa ngayong araw ng mga karagdagang kaso ang Commission on Audit (COA) laban sa mga pribadong kumpanya at indibidwal na napatunayang sangkot sa iregularidad sa flood control projects na ipinatupad ng engineering office ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan.

Noong nakaraang linggo, nagsumite ang COA ng Fraud Audit Reports (FARs) sa Office of the Ombudsman para sa limang flood control projects sa Bulacan na lumabas na non-existent o sub-standard.

Ito ang magiging basehan ng pagsasampa ng criminal complaints sa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Government Procurement Act, at falsification of public documents laban sa mga contractor at dating opisyal ng DPWH.

Ayon sa COA, 20 dating empleyado ng 1st District Engineering Office ng DPWH sa Bulacan at apat na contractor ang tinukoy sa FARs

Sinimulan ng COA ang fraud audit na nakatutok muna sa mga proyekto sa Bulacan noong Agosto 12, alinsunod sa memorandum ni COA Chairman Gamaliel Cordoba bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na papanagutin ang mga sangkot sa flood control anomaly.

Una nang iniulat ng COA sa congressional investigation na nasa P313.7 bilyong halaga ng mga notice of suspension at P5.8 bilyong halaga ng mga notice of disallowance ang inisyu ng state auditors para sa infrastructure projects sa ilalim ng DPWH mula 2016 hanggang 2025.

Facebook Comments