COA, nangako sa Senado na ilalabas ang special audit report sa Pharmally hanggang sa katapusan ng taon

Tiniyak ng Commission on Audit (COA) na sa loob ng dalawang buwan ay ilalabas na ang special audit report sa naging transaksyon ng nakaraang gobyerno sa kontrobersyal na Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Matatandaang noong 18th Congress ay nagsagawa ng imbestigasyon ang Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa paglilipat ng Department of Health o DOH ng ₱42 billion na pondo sa Procurement Service ng Department of Budget and Management o PS-DBM kung saan ₱8.6 billion dito ay ginamit pambili ng COVID-19 medical supplies sa Pharmally.

Sa pagtalakay sa panukalang pondo ng COA sa 2023 sa plenaryo, nabusisi ni Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros ang ahensya kung bakit hanggang ngayon ay wala pa rin ang special audit para dito.


Tinukoy ng senadora na may naunang pangako ang COA na ilalabas ang report sa naging kasunduan ng nakaraang administrasyon sa Pharmally sa katapusan ng 2021 at naurong ito sa March 2022.

Pero mula Marso o walong buwan ang nakaraan mula ngayon ay wala pa rin ang ipinangakong release ng special audit sa government transactions sa Pharmally.

Depensa naman ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara, kauupo pa lamang sa pwesto ni COA Chairman Gamaliel Cordoba pero nakasisigurong nakatutok ito sa isyu.

Facebook Comments