COA, pinagsasagawa ng special audit sa PhilHealth fund at IRM

Kinalampag ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate ang Commission on Audit (COA) na magsagawa agad ng special audit sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Kaugnay ito sa pahayag ni PhilHealth President Dante Gierran na 92% na ng nawawalang ₱15 billion Interim Reimbursement Mechanism (IRM) ang na-liquidate na ng ahensya.

Giit ni Zarate, may findings na ang Kongreso sa mga nagdaang imbestigasyon na may iregularidad at korapsyon sa paggamit ng IRM.


Ang aniya’y ginawang liquidation ay hindi makaaalis o makabubura sa katotohanang maanomalya at kriminal ang paggugol sa pondo.

Dahil dito, agad na pinagsasagawa ng mambabatas ang COA ng special audit sa pondo ng PhilHealth at sa maanomalyang IRM at pinatitiyak na mapapanagot ang mga nasa likod ng katiwalian.

Ang IRM ay isang programa ng PhilHealth na pumapayag na mabilis na maglabas ng pondo ang state health insurer sa mga healthcare institutions lalo na tuwing may public health emergency, kalamidad, insurgencies at digmaan.

Facebook Comments