Coast Guard, blangko kung bakit pinayagang bumiyahe ang ikatlong bangkang lumubog sa Iloilo-Guimaras  

Blangko pa rin ang Philippine Coast Guard (PCG) kung bakit pinayagang makabiyahe ang ikatlong bangkang lumubog sa Iloilo-Guimaras strait kahit may dalawang bangkang naunang lumubog.

Sa ulat, maganda ang panahon sa Guimaras tanghali ng Sabado (August 3) nang bumiyahe ang M/B Chi-Chi at M/B Kezia, kung saan lulan ito ng 52 pasahero at Crew.

Pero biglang lumaki ang mga alon at lumakas ang hangin habang sila ay nasa Iloilo strait na nagresulta ng pagtaob ng dalawang bangka na ikinamatay ng 10 katao.


Dito sumunod ang M/B Jenny Vince, lulan ng 44 na tao na pinayagang bumiyahe kahit nagpapatuloy ang search and rescue operations sa naunang lumubog sa mga bangka.

Ayon kay PCG Spokesperson, Capt. Armand Balilo, paglabag ito sa standard operating procedure kung saan hindi pwedeng maglayag ang mga barko kasunod ng isang aksidente sa karagatan.

Aniya, nananatiling misteryo sa kanila kung bakit pinayagang maglayag ang M/B Jenny Vince na kumitil sa buhay ng 18 katao.

Sinisilip na ng PCG ang pananagutan ng mga Commander ng dalawang istasyon kung nakipag-communicate ito sa M/B Jenny Vince para pigilan ang kanilang biyahe.

Facebook Comments