Itinaas na ng Department of Health (DOH) ang Code Red Alert sa Bicol Region sa harap ng pananalasa ng Super Typhoon “Rolly”.
Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III, nangangahulugan ito na lahat ng mga empleyado, kung kakayanin, ay kailangang mag-report sa mga kanilang mga trabaho.
Habang nakataas ang Code Blue Alert sa DOH central office.
Kaugnay nito, inabisuhan ng kalihim ang mga ospital na tiyaking handa ang kanilang mga kagamitan.
Inalerto rin ng DOH ang mga provincial offices nito na aktibong i-monitor at iulat ang mga insidenteng may kaugnayan sa epekto ng bagyo.
“Sa Region 5, naka-code red alert, ibig sabihin po nito, lahat ng ating empleyado hanggang sa kakayanin ay pinagre-report po natin sa DOH, CHD at mga health facilities lalo na po ang mga ospital at emergency room para po tumugon sa anumang emergency cases na pupunta sa ating mga health facilities,” ani Duque.
Samantala, naka-preposition na rin ang logistical support ng DOH gayundin ang mga gamot, medical supply, PPEs at COVID-19 supplies.
“Nakahanda po ‘yung ating logistical support sa halagang P26.5 million, naka-preposition po ito by the different center for health development. At sa kasalukuyan meron din po tayong nakahandang P21.7 million worth of additional supplies and commodities sa ating DOH central office warehouse,” dagdag pa ni Duque.