Alinsunod ito sa ipinalabas na Executive Order ng LGU Cauayan City na pirmado ni Acting City Mayor Leoncio “Bong” Dalin kasabay ng pagsasailalim ng Lungsod sa Alert Level 3 status na nagsimula ngayong araw, Enero 14, 2022 hanggang Enero 31,2022.
Batay sa guidelines sa ilalim ng Alert level 3 status ng Cauayan City, balik na ang number coding scheme sa mga pampasaherong traysikel kung saan ang mga plakang nagtatapos sa Odd number na 1,3,5,7 at 9 ay lalabas o mamamasada lamang sa araw ng Lunes, Miyerkules at Biyernes.
Habang ang mga traysikel namang may plakang nagtatapos sa even number na 0,2,4,6,8 ay lalabas lamang ng Martes, Huwebes at Sabado.
Isang pasahero lamang din ang pwedeng isakay ng mga tsuper at nasa P20 na ang minimum na pamasahe kung hanggang Poblacion lamang ang ruta.
Kinakailangan rin ang pagsusuot ng faceshields sa mga closed o crowded areas kung saan nagkakaroon ng close contact ang mga tao.
Limitado lamang ang galaw ng tao sa pag-access ng mga pagkain at services sa mga pinapayagang mga establishimento.
Ipinagbabawal rin ang pag-inom ng nakalalasing na inumin sa mga pampublikong lugar at magkakaroon ng curfew hours simula alas 10:00 ng gabi hanggang alas 4:00 ng madaling araw sa mga nasa edad 18 pababa maging sa mga buntis o may comorbidities.
Para naman sa mga pinapayagang magbukas na establisyimento, maaari lamang ang 30% na indoor capacity para sa mga fully vaccinated at 50% naman sa outdoor venue capacity kung bakunado na ang mga empleyado ng establisyimento.
Bukod dito, mahigpit rin ipinagbabawal ang pagsasagawa ng face-to-face classes sa lungsod.
Muli namang nagpapaalala ang lokal na pamahalaan ng Cauayan City sa publiko na sundin ang mga naturang guidelines at sumunod rin sa health and safety protocols.