Ipinahahanda na agad ng Kamara ang cold storage facilities na pag-iimbakan ng bakuna laban sa COVID-19.
Ito na rin ay kasunod ng mga ulat na 70 hanggang 90% na ang efficacy rate ng dine-develop na mga bakuna kontra COVID-19.
Sa House Bill 8000 na inihain ni Quezon City Representative Precious Hipolito-Castelo, inaatasan nito ang Department of Health (DOH) na ihanda na ng mas maaga ang sapat at angkop na cold storage facilities para sa safekeeping ng mga bakuna laban sa COVID-19.
Sinabi ni Castelo na base sa impormasyon, tatagal ang bakuna ng 30 araw sa temperaturang mula 2 degrees hanggang 8 degrees Celsius habang dapat naman ay nasa below freezing point kung iimbak ng mas matagal ang mga bakuna upang hindi ito masira o masayang.
Ipinaliwanag ng kongresista na dahil malaki ang populasyon ng Pilipinas at isa ring archipelago, kailangan talaga ng ligtas at epektibong mass distribution ng bakuna kaya dapat maaga itong pagplanuhan.
Dagdag pa nito na magiging malaking hamon pa sa bansa ang pagbibiyahe, pag-iimbak at pamamahagi ng bakuna sa mga probinsya lalo’t nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na 20 milyong Pilipino ang mabakunahan nang libre.