Colegio de San Lorenzo, may nilabag na moralidad sa hindi pagsasabi ng totoo sa pagsasara ng eskwelahan

Naniniwala ang Senado na nilabag ng Colegio de San Lorenzo ang moralidad dahil sa hindi pagsasabi ng totoo sa mga magulang, mag-aaral at mga guro sa ginawang pagsasara ng kolehiyo.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education, kinwestyon ni Senator Raffy Tulfo ang pamunuan ng eskwelahan kung bakit tumanggap pa ng mga enrollees gayong alam na nilang magsasara sila at inanunsyo lang ang pagsasara ng kolehiyo sa unang araw mismo ng pasukan noong August 15.

Paliwanag naman ni Professor Mary Claire Balgan, ang presidente at may-ari ng eskwelahan, inakala nilang magagawa pa nilang ma-i-survive ang kolehiyo ng kahit isang taon pa kaya hindi muna nila ito ipinabatid agad sa mga guro, estudyante at mga magulang.


Pero sagot ni Tulfo, marami ang namamatay sa maling akala at pinangaralan ang kolehiyo na sa susunod ay huwag nang itago ang plano at direksyon na tinatahak ng eskwelahan.

Sa kabilang banda ay sinabi ni Balgan na ni-refund na nila ang lahat ng binayarang tuition ng mga estudyante at nakahanda na rin ang tseke para i-claim ng 20 iba pa.

May nakahanda na rin aniyang separation pay para sa mga guro at staff.

Facebook Comments