Collector, Sugatan nang Pagtatagain sa isang Tindahan

26

Cauayan City, Isabela-Mahaharap sa kasong Frustrated Murder ang isang negosyante matapos nitong pagtatagain ang isang collector ng motor company dakong 9:55 ng gabi nitong biyernes, Pebrero 26 sa Brgy. Centro-02, Sanchez Mira, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Randolph Delizo,30-anyos, binata at residente ng Brgy. Callungan habang ang suspek ay nakilala namang si Rolando Dela Cruz Jr., 43-anyos, walang asawa at residente naman ng Brgy. Dacal, Sanchez Mira.


Lumalabas sa imbestigasyon ng Sanchez Mira Police Station, dakong alas-9:30 ng gabi ng magtungo sa isang tindahan ang suspek para bumili ng yelo ng lapitan ito ng biktima at magkaroon ng mainitang pagtatalo sa hindi mabatid pang dahilan.

Pagkalipas ng ilang saglit ay napilitan na bumalik sa tindahan ang suspek dala-dala ang isang bolo (butcher knife) kung saan dali-dali nitong pinagtataga ang biktima ng makailang beses sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan dahilan para magtamo ito ng matinding sugat.

Agad namang nakaresponde ang Quick Response Team (QRT) at naisugod sa Northern Cagayan District Hospital (NCDH) ang biktima para malunasan hanggang sa ilipat rin ito sa Far North Luzon General Hospital and Training Center sa bayan ng Luna, Apayao.

Naaresto naman ang suspek at kalauna’y napag-alaman na positibo ito sa nakalalasing na inumin ng suriin ng doktor.



Sa ngayon ay nasa maayos ng sitwasyon ang biktima matapos ang naturang pananaga.


Facebook Comments