Iminungkahi ni ACT-CIS Partylist Rep. Jocelyn Tulfo na unahing buksan ang face-to-face learning sa college at graduate school level.
Kasunod na rin ito ng pagpayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa balak ng Department of Education (DepEd) na face-to-face classes para sa mga mag-aaral sa mga lugar na low-risk areas.
Ayon kay Tulfo, saka na lamang isunod ang unti-unting pagsasagawa ng face-to-face classes sa senior at junior high school at panghuli na ang kinder hanggang grade 6.
Dagdag pa nito na oras na maging available na ang bakuna sa susunod na taon ay dapat na ring mag-bukas unti-unti ang college campuses habang sa huling quarter naman ang mga nasa senior high school.
Hindi na kasi kakayanin pa ng mga mag-aaral ang isa pang school year ng blended learning lalo pa’t maraming lugar sa bansa ang problema ang signal at internet connection.
Iminumungkahi rin ni Tulfo sa CHED at DepEd na magkaroon ng parallel na COVID-19 vaccination program kasabay ng pagbubukas ng klase.