MALASIQUI, PANGASINAN – Ipatutupad sa bayan ng Malasiqui ang color coding scheme sa kada barangay nito upang makabisita sa mga yumaong mahal sa buhay kasabay ng Undas 2021 at ang pagsasara naman ng mga pribado at pampublikong sementeryo dahil sa banta ng pandemya.
Inilabas ng lokal na pamahalaan ang EXECUTIVE ORDER NO. 38, Series of 2021 na nagsasaad na ang lahat ng private at public cemeteries, memorial parks, at columbaria ay sarado simula October 30, 2021 to November 2, 2021 ngunit ang libing at cremation sa nabanggit na petsa ay exempted o pinapayagan.
Hinati ang 73 na barangay nito sa sampung araw na kung bibigyan ng tig-isang araw ang kada barangay para makapunta sa sementeryo at nakadepende sa color coding ito na ibibigay sa kada household.
Ang color-coded pass ay nag iindika ng pangalan at address na nakalagay din ang time and date specification na makukuha sa kada Barangay Captains/officials na tanging dalawang katao lamang household ang bibigyan.
Ang kada Barangay Officials ang magbibigay kung saan ang lahat ay dapat nakatala. Ang nasabing color-coded passes ay titignan ng PNP personnel, Force Multipliers at volunteers bago makapasok sa sementeryo.
Ang mga hindi naman residente ng Malasiqui ay pahihintulutan na makapasok basta makapag pakita ng pass mula sa barangay/point of origin.
Pahihintulutan naman umano ang pagbibenta ng kandila at bulaklak ngunit hindi ang pagkain at inumin kaya naman hinikayat ang mga residente na kung maaari ay magdala ng sariling pagkain.
Samantala, makikita naman ang pinaka kumpleto na detalye ng clustering ng barangay at ang itinakdang oras nito sa Official Facebook page ng Malasiqui na ‘Pinabli Ka Malasiqui’.