Naharang ng LTFRB Region 2 Enforcement Team ang van sa bahagi ng Solana, Cagayan matapos matukoy na nagbibiyahe ng mga pasahero nang walang kaukulang dokumento.
Tumambad sa kanila ang 21 pasahero kabilang ang limang mga bata kung saan nagmula pa ang mga ito sa Santiago City, Isabela.
Batay sa ginawang ugnayan ng mga enforcer sa mga sakay ng van, nirentahan nila ang sasakyan upang magtungo sa Sta. Ana, Cagayan upang magbakasyon.
Paglalahad pa ng mga pasahero, pumapatak sa 2,500 pesos ang renta nila kada araw bukod pa sa 4,700 pesos na pang-gasolina.
Agad na dinala sa tanggapan ng LTFRB Region 2 ang nahuling van para sa kaukulang disposisyon habang ligtas naman na naihatid sa Central Terminal ang mga sakay nitong pasahero.
Mahigpit ang paalala ni Regional Director Edward Cabase na hindi nila kukunsintihin ang mga colorum na sasakyan at tiniyak na mahaharap sa kaukulang parusa ang sinumang mahuhuli.
Panawagan pa ng ahensya sa mga commuters, sumakay na lamang sa mga pampublikong sasakyan na may lehitimong CPC at tumatakbo sa kani-kanilang ruta upang maiwasan ang aberya.