Nasa 70% nang handa ang Commission on Elections (COMELEC) para sa pagdaraos ng 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong Disyembre.
Sinabi ito ni COMELEC Chairman George Garcia kasunod ng paghahanda ng komisyon sa pag-imprenta ng mga balota at ibang dokumento sa Setyembre.
Ayon kay Garcia, uubusin nila ang buong Setyembre para sa printing habang sa Oktubre ay inaasahang magsisimula na sila sa pagta-transport, pagsi-ship ng ilang kagamitan sa iba’t-ibang lugar sa bansa.
Giit pa nito, magpapatuloy pa rin ang kanilang paghahanda sa kabila ng gumugulong na diskusyon sa pagpapaliban ng BSK elections.
Noong nakaraang linggo ay inaprubahan ng House Suffrage and Electoral Reforms committee ang pagpapaliban ng naturang halalan mula sa Disymebre 5, 2022 papunta sa Disyembre 4, 2023.
Samantala, nakatakda namang talakayin ng Senate Electoral Reforms and People’s Participation committee ang dalawang panukala na layon ding ipagpaliban ito.