Nababahala ang Commission on Human Rights (CHR) sa mga naitalang election-related violence at ang pagkawala ng karapatan ng ilang mga botante sa katatapos lang na halalan.
Ayon kay CHR Spokesperson Jacqueline de Guia, nakakabahala ang 16 na election-related incidents na na-monitor sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) noong May 9.
Kabilang na ang mga pagsabog ng granada malapit sa municipal hall ng Datu Unsay, Maguindanao at ang pamamaril sa labas ng Pilot Elementary School sa Buluan, Maguindanao.
Aniya, ang mga insidenteng ito ay hindi lamang naghahangad na maghasik ng takot at kaguluhan ngunit sinisira rin ang kredibilidad ng halalan.
Hinihimok namang ni De Guia ang mga opisyal na magsagawa ng follw up operations sa mga indibidwal na responsable sa nasabing mga pag-atake para mapanagot sa kanilang mga krimen.
Kasabay nito, pinagpapaliwanag ni De Guia ang Commission on Elections (COMELEC) sa mga nagkaaberyang Vote Counting Machines (VCMs) at iba pang naging problema nitong halalan.