COMELEC at NU, pumirma sa isang kasunduan hinggil sa Register Anywhere Project

Pumirma sa isang kasunduan ang pamunuan ng National University (NU) at Commission on Elections (COMELEC).

Ito’y para sa nagpapatuloy na Register Anywhere Project (RAP) bilang paghahanda sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE).

Pinangunahan nina COMELEC Chairman George Erwin Garcia at Dr. Rosauro Manuel ang Executive Vice President ng National University ang paglagda sa Memorandum of Understanding hinggil sa nasabing Register Anywhere Project.


Layunin nito na mas dumami pa ang bilang ng mga registered voters lalo na’t hanggang sa katapusan na lamang ng buwan ng Enero 2023 ang pagpapatala ng mga bagong botante.

Ito naman ang kauna-unahang pakikipag-partner ng COMELEC sa isang unibersidad kaya’t kapwa nagpapasalamat sina Chairman Garcia at Dr. Manuel sa isa’t-isa dahil sa pagkakataon na mapagbigyan ang magkabilang panig.

Sinabi naman ni Chairman Garcia na sa pamamagitan nito ay magkakaroon ng pagkakataon na makapag-parehistro ang bawat isa lalo na ang mga kabataan na karamihan ay mga estudyante.

Dagdag pa ni Chairman Garcia, posibleng gawin din ang Register Anywhere Project sa iba pang unibesidad o eskwehalan upang maging mabilis ang pagpapatala ng mga nais bumoto.

Bukod sa NU, ang Register Anywhere Project ay isasagawa rin sa mismong tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), House of Representative at Senate of the Philippines.

Ginaganap din ang pagpaparehistro sa ibang tanggapan ng COMELEC at satellite offices nila kung saan bukas ito mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.

Facebook Comments